Ang PCOS ay isang kondisyon na nararanasan ng maraming kababaihan. Kung naitanong mo na ang “Ano ang PCOS sa babae?” o “Bakit nagkakaroon ng PCOS ang babae?”, hindi ka nag-iisa! Narito ang dapat mong malaman tungkol sa PCOS at paano alagaan ang iyong sarili kung meron ka nito.
Bakit Nagkakaroon ng PCOS ang Babae?
Ang Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ay isang kondisyon na may kaugnayan sa hormones na nakakaapekto sa mga kababaihan sa kanilang reproductive age.
Sa kabila ng pangalan nito, hindi ibig sabihin ng Polycystic Ovary Syndrome na mayroong mga cyst sa ovaries o obaryo ng isang babae—iba ito sa pagkakaroon ng ovarian cysts.
Sa PCOS, maaaring lumaki ang isa o parehong ovary at hindi mag-develop ng maayos ang mga ovarian follicles nila. Ang mga follicles ay maliit na sacs na karaniwang naglalabas ng egg cells tuwing ovulation, o ang proseso kung saan inilalabas ang mga egg cell para sa fertilization o pagbubuntis. Sa mga may PCOS, hindi natutuloy ng maayos ang ovulation. Dahil dito, ang PCOS ay isa sa mga pangunahing sanhi ng infertility o hirap sa pagbubuntis.
Ano ang PCOS sa Babae?
Karaniwang nada-diagnose ang PCOS kung mayroong dalawa o higit pa sa mga sumusunod na sintomas:
- Mga palatandaan ng mataas na androgen levels. Ang androgens ay mga hormones na pangunahing responsable sa mga katangiang panlalaki at reproductive functions ng mga lalaki. Sa mga may PCOS, maaaring mas mataas ang mga androgen levels nila, tulad ng testosterone.
- Hindi regular o hindi dinadatnan ng regla
- Polycystic ovaries na makikita sa ultrasound
Mga Sintomas ng PCOS
Ito ang mga karaniwang palatandaan at sintomas ng PCOS:
- Hindi regular o hindi dinadatnan ng regla (amenorrhea)
- Hirap sa pagbubuntis, kadalasang dahil sa hindi regular na ovulation o kawalan ng regla
- Pagdagdag ng timbang
- Labis na pagtubo ng buhok sa mukha, dibdib, likod, o puwitan
- Pagnipis o pagkalagas ng buhok sa ulo
- Oily skin o pagkakaroon ng acne
PCOS Risk Factors: Bakit Nagkakaroon ng PCOS ang Babae?
Ang eksaktong dahilan kung bakit nagkakaroon ng PCOS ang babae ay hindi pa lubos na nauunawaan. Ayon sa mga eksperto, ito ay maaaring may kaugnayan sa mga sumusunod:
- Insulin resistance – Nangyayari ito kapag hindi epektibong nagagamit ng katawan ang insulin, isang hormone mula sa pancreas na nagre-regulate ng blood sugar. Dahil sa insulin resistance, maaaring tumaas ang blood sugar at insulin levels sa ating mga katawan. Ito ay nagiging sanhi ng mas mataas na produksyon ng testosterone mula sa obaryo. Maaari rin itong magdulot ng pagdagdag ng timbang at makagambala sa ovulation.
- Imbalance sa hormones – Ang PCOS ay nauugnay sa mataas na antas ng testosterone at luteinizing hormone (LH).
- Genetics – Maaaring mamana ang PCOS. Kung may PCOS ang isang kapamilya, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ka rin nito.
- Low-grade inflammation – Ang inflammation o pamamaga sa katawan ay karaniwang resulta ng impeksyon o injury. Ang mga may PCOS ay maaaring magkaroon ng long-term, low-grade inflammation na posibleng maging sanhi ng paggawa ng androgens ng mga polycystic ovaries.
- Pagdagdag ng timbang – Ang pagiging overweight ay maaaring magdulot ng pagtaas ng mga hormones
PCOS Statistics sa Pilipinas
Sa buong mundo, tinatayang 6% hanggang 13% ng mga kababaihang nasa reproductive age ang may PCOS. Sa Pilipinas, may tinatayang 4.5 milyong kababaihan ang apektado. Maaaring mas mataas pa ang bilang na ito, dahil ayon sa World Health Organization, 70% ng mga kababaihang may PCOS ay hindi nalalaman ang kanilang kondisyon.
Paano Ginagamot ang PCOS?
Sa ngayon, walang lunas para sa PCOS, lalo na’t hindi pa tiyak kung bakit ito nangyayari. Ngunit, maaaring i-manage ang mga sintomas nito sa pamamagitan ng tamang kombinasyon ng gamot, pagbabago ng lifestyle, at para sa iba, mga fertility treatments.
Paggamot sa PCOS
Depende sa iyong mga sintomas at layunin (halimbawa, kung gusto mong mabuntis o hindi), maaaring magreseta ang iyong doktor ng mga sumusunod na gamot:
- Pamparegla – Inirerekomenda ng doktor ang oral contraceptive pills upang gawing regular ang iyong regla. Ang combination birth control pills (may estrogen at progestin) ay maaari ring makatulong sa acne at labis na pagtubo ng buhok.
- Clomifene citrate – Kung nais mong mabuntis, maaaring ireseta ito upang makatulong sa ovulation. Maaari ring gumamit ng progesterone.
- Metformin – Inirereseta upang tugunan ang insulin resistance. Maaari rin nitong pababain ang androgen levels, ibalik ang regla, at itaguyod ang ovulation, na makakatulong sa fertility.
- Maaaring irekomenda rin ng doktor ang:
- Mga gamot para sa labis na pagtubo ng buhok
- Mga gamot para sa pagkalagas ng buhok
- Suporta sa pagbabawas ng timbang
- Mga gamot sa acne
- Bicalutamide bilang anti-androgen
- Maaaring irekomenda rin ng doktor ang:
Lifestyle Changes Para sa Mga May PCOS
Ang pagbabago sa lifestyle ay may malaking papel sa PCOS management. Maliban sa sintomas, makakatulong din ito upang mabawasan ang panganib ng mga kondisyong nauugnay sa PCOS, tulad ng:
- Sakit sa puso
- Type 2 diabetes
- Obstructive sleep apnea
- Endometrial cancer
- Mga isyu sa mental health tulad ng depresyon
Kadalasan, nakatuon ang mga pagbabago sa pagpapanatili ng tamang timbang. Kahit ang 5% na pagbabawas ng timbang ay maaaring makapagpagaan ng sintomas, gawing mas epektibo ang gamot, at makatulong sa fertility.
Para sa tamang plano ng pagbabawas ng timbang, makipag-usap sa iyong doktor. Maaring kabilang dito ang:
- Tamang pagkain at balanced diet
- Regular na ehersisyo (hindi bababa sa 150 minuto ng moderate-intensity exercise bawat linggo, kasama ang strength training)
- Pagtigil sa paninigarilyo – Ang paninigarilyo ay nagpapataas ng panganib sa cancer at nagpapababa ng fertility.
- Stress management – Makakatulong ang mindfulness at meditation, lalo na’t maaaring makaapekto ang PCOS sa mental health.
Tandaan na iba-iba ang karanasan ng bawat babae na may PCOS. Makipagtulungan sa iyong doktor upang mahanap ang pinaka-akmang kombinasyon ng paggamot at lifestyle changes para sa iyo. Kung pinaghihinalaan mo na mayroon kang PCOS, kumunsulta sa iyong doktor para sa tamang diagnosis.
Hindi ka nag-iisa—maraming paraan upang malunasan ang iyong sintomas at pangalagaan ang iyong kalusugan.
Your doctor will always be in the best position to give the appropriate medical advice for your condition. For suspected undesirable drug reaction, seek medical attention immediately and report to the FDA at www.fda.gov and UNILAB Inc. at 8-UNILAB-1 or productsafety@unilab.com.ph. Always buy your medicine from your trusted drugstores and retailers.
Sources:
-
Polycystic ovary syndrome, https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/polycystic-ovary-syndrome
-
Polycystic ovary syndrome, https://www.nhs.uk/conditions/polycystic-ovary-syndrome-pcos/
-
PCOS, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pcos/symptoms-causes/syc-20353439
-
Polycystic ovary syndrome (PCOS), https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/polycystic-ovarian-syndrome-pcos#causes-of-pcos
-
Dietary Intake, Physical Activity, and Nutritional Status of Women with Polycystic Ovary Syndrome in Selected Provinces in the Philippines, https://che.uplb.edu.ph/theses-data/dietary-intake-physical-activity-and-nutritional-status-of-women-with-polycystic-ovary-syndrome-in-selected-provinces-in-the-philippines/#:~:text=In%20the%20Philippines%2C%204.5%20million%20women%20are%20living%20with%20PCOS.
-
Heragest®, https://www.unilab.com.ph/products/heragest
-
Role of Metformin in Polycystic Ovary Syndrome (PCOS)-Related Infertility, https://pmc.ncbi.nlm.nih.gov/articles/PMC10544455/#:~:text=Many%20studies%20showed%20that%20metformin,in%20treating%20PCOS%2Drelated%20infertility.
-
Efficacy and safety of anti-androgens in the management of polycystic ovary syndrome: a systematic review and meta-analysis of randomised controlled trials, https://www.thelancet.com/pdfs/journals/eclinm/PIIS2589-5370(23)00339-5.pdf
-
PCOS Matters: Updates in the Diagnosis and Assessment of Polycystic Ovary Syndrome, https://endo-society.org.ph/sept-2023-amazing-endocrinology/
-
PCOS, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pcos/diagnosis-treatment/drc-20353443
-
Lifestyle management in polycystic ovary syndrome – beyond diet and physical activity, https://bmcendocrdisord.biomedcentral.com/articles/10.1186/s12902-022-01208-y